Tiniyak ng Marawi Compensation Board na mabibigyan ng compensation ang lahat ng mga claimants na naapektuhan sa Marawi Siege na unang sumiklab noong 2017.
Ito ay kahit pa matapos ang limang taong termino ng Compensation Board, na silang nangangasiwa dito.
Batay kasi sa batas, limang taon ang palugit para mabayaran ang mga claims ng mga residenteng naapektuhan. Ang nasabing palugit ay katumbas din ng limang taong panunungkulan ng Board.
Ayon kay Board Chairman Maisara Latiph, kung lalagpas na sa limang taon at mayroon pa ring nagpapatuloy napino-proseso, ipagpapatuloy na ito ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Ang nasabing ahensiya na rin aniya ang bahalang mag-assess sa pangangailangan ng mga ito, batay pa rin sa kasalukuyan nilang sinusunod na polisiya.
Sa ilalim ng kasalukuyang polisiya, ang mga house owners na nangangailangan ng concrete repair ay posibleng makakatanggap ng P18,000 per square meter na compensation.
P13,000 per square meter naman ang matatanggap ng mga house owners na nagdeklara ng partially damaged.
Ang nasabing compensation ay kaiba pa sa mga nasirang business infrastructure, nawawala, at nasawing mga indibidwal.