CAGAYAN DE ORO CITY – Naninindigan ang Task Force Bangon Marawi (TFBM) na hindi nila hahayaan na malagay sa panibagong peligro ang buhay ng libu-libong internally displaced persons (IDPs) sa pamamagitan ng pagbigay pahintulot na makapasok na ang mga ito upang magkumpuni o magtayo ng bagong istruktura sa loob ng most affected area (MAA) sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ito ay sa kabila ng mga ginawa na apela ng ilang elected officials at private organizations sa gobyerno na makapasok na sila sa dating main battle area upang magsimulang muli mula sa malagim na pangyayari na inatake ng grupong Maute-ISIS ang lungsod para sana sakupin higit apat na taon ang nakalipas.
Sa isang panayam, sinabi ni TFBM chairman Secretary Eduardo del Rosario na kaunting pagtitiis na lamang umano sa higit 5,000 na IDPs at sila ay tuluyan nang makakapasok sa MBA para muli nang mamuhay na normal.
Inihayag ng kalihim na tinapaos muna ng task force ang ilang imprastraktura na nakasaad sa mga kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte katulad ng road networks at iba pa.
Dagdag ng opisyal na lahat ng mga residente na hawak na ang building permits ay makakapasok na sa buwan ng Oktubre dahil target rin ng task force na matapos ang ilang infra projects sa katapusang bahagi ng Setyembre 2021.
Magugunitang naging masalimoot ang kalagayan ng libu-libong taga-Marawi dahil nagtamo ng malaking pinsala ang sentro ng kanilang commerical hub epekto sa limang buwan na pagpulbos ng state forces laban sa magkapatid na Omar at Abdullah Maute kasama ang itinuring na ISIS emir sa Asya noon na si Isnilon Hapilon na nagmula sa pangkat ng Abu Sayyaf Group sa Basilan.
Bagamat napatay ang nabanggit ng mga pinuno subalit halos 170 rin na sundalo at pulis kasama ang 87 na sibilyan ang nasawi bago tuluyang naging malaya ang Marawi City na inalayan ng mga paghanga at dalangin sa loob ng 103rd IB,Philippine Army kahapon ng umaga.
Naging saksi rin Bombo Radyo Philippines coverage team sa engkuwentro dahil simula Mayo 23 hanggang Oktubre 23,2017 ay hindi na ito nilubayan pa ng mga bagitong reporters mula sa himpilan ng Bombo Radyo Cagayan de Oro upang maihatid ang mga kaganapan sa loob ng Marawi City.