Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi maaapektuhan ang operasyon ng militar sa Marawi City laban sa mga teroristang Maute ngayong itinalaga na bilang bagong Philippine Army chief si 1st Infantry Division Commander M/Gen. Rolando Joselito Bautista.
Si Bautista ay miyembro ng Philippine Military Academy Class 1985, dating 104th brigade commander na nakabase sa Basilan, naging Presidential Security Group commander ni Pangulong Rodrigo Duterte, bago itinalaga bilang 1st Infantry Division Commander na siyang nangunguna sa operasyon sa Marawi.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Edgard Arevalo, ang pagkakatalaga kay Bautista bilang bagong Army chief ay isang realidad sa AFP dahil “come and go” ang mga opisyal kung saan puwede sila madestino sa ibang puwesto o ma-promote.
Pahayag ni Arevalo, kasama sa istruktura ng AFP ang tinatawag na chain of command kaya mayroong hahalili sa puwesto ni Bautista upang hindi ma disrupt ang ongoing operations lalo na sa siyudad ng Marawi.