Ang mga sugatang sundalo ng Philippine Army ang siyang magiging beneficiaries sa concert ng American band at singer na si Stephen Speaks sa bansa.
Ang nasabing concert ay bahagi ng kanilang “Alive to Fight” tour na mag-uumpisa sa darating na January 19 hanggang February 17, 2018.
Ayon kay Philippine Army spokesperson Lt. Col. Ray Tiongson, malaking tulong para sa mga sugatang tauhan ng Philippine Army ang world tour benefit concert.
Sa panayam ng Bombo Radyo, nabatid na laman din daw ng balita sa Amerika araw-araw ang mga nangyari sa Marawi.
Kaniya raw nakita ang sakripisyo ng mga sundalo na apat na buwang nakipaglaban sa sa teroristang Maute-ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) kaya naisipang magsagawa ng benefit concert kung saan ang bahagi ng kikitain ay para sa mga sugatang sundalo na patuloy ang pagrekober sa ospital.
Giit pa ng “Passenger Seat” hitmaker na nais sana niyang magtungo sa Marawi pero hindi siya pinayagan ng pamahalaan.
Nais din daw sana niya makita at mabisita ang mga sugatang sundalo sa ospital na aabot pa sa 96 ang naka-confine.
Ibinunyag din nito na may kanta siya na nakatakdang ilabas at iaalay niya sa mga bayaning sundalo.
Magkakaroon din siya ng music video kung saan hihingi siya ng mga footage sa Army na kuha noong Marawi siege.