TANZANIA – Patuloy na mino-monitor ng World Health Organization (WHO) ang bagong ulat tungkol sa pagkalat ng Marburg Virus Disease (MVD) sa United Republic of Tanzania.
Nabatid na simula noong ideklara ang pagkalat ng nasabing virus noong 20 Enero 2025, isang karagdagang kumpirmadong pagkamatay ang iniulat ng Ministry of Health mula sa epicenter ng pagkalat ng sakit sa Biharamulo district sa Kagera region.
Hanggang nitong Pebrero 10, 2025, may kabuuang dalawang kumpirmadong kaso at walong posibleng nahawaan ang iniulat ng kanilang ahensya.
Lahat ng 10 kaso ay namatay, kabilang ang walo na namatay bago pa man makumpirma ang pagkalat ng sakit.
Noong nakaraang linggo, lahat ng 281 contact na nakalista at kasalukuyang inoobserbahan ay nakatapos na ng 21-day quarantine monitoring.
Ang Ministry of Health ay bumuo ng pambansang plano ng pagtugon upang gabayan ang mga gawain.
Karagdagan dito, isang national rapid response team ang ipinadala sa apektadong rehiyon upang mapahusay ang pagsisiyasat at pagtugon sa pagkalat ng sakit, sa technical at operational support mula sa WHO at health partners.