Nais lang daw sanang makatuntong ng Filipino singer na si Marcelito Pomoy sa stage ng “America’s Got Talent (AGT): The Champions” at maipakita ang talento sa harap ng international audience.
Pahayag ito ni Pomoy matapos ang performance kung saan napabilib nito ang mga judge at audience, dahilan para makatanggap ng standing ovation.
Una rito, nagpakitang-gilas ang 35-year-old singer sa trademark nitong duet na “The Prayer” kung saan siya ang kumanta sa panlalaki at pambabaeng bahagi ng nasabing awitin.
Sa umpisa pa lamang ng performance ni Pomoy, bakas na ang pagkamangha ng AGT judges kung saan unang nagbigay ng standing ovation ang German-American model na si Heidi Klum.
Kahit ang prangkang music producer at judge na si Simon Cowell ay “perfect score of 10” ang ibinigay kay Pomoy.
Kasama ni Pomoy sa pagpasok sa AGT stage ang kanyang misis na hindi mapigilan na maging emosyonal.
Ang “Pilipinas Got Talent” second season grand champion na si Pomoy ay nakilala sa kaniyang “doble-kara” talent, kung saan kumakanta siya ng boses ng babae at lalaki para sa iisang awitin.
Una siyang nakilala sa labas ng bansa sa pagkakaroon ng “golden female voice” ay nang maging guest sa “The Ellen DeGeneres Show” noong 2018.