Inamin ng Filipino singer na si Marcelito Pomoy na naranasan niya ang pinagdaraanang hirap ng mga apektado ng COVID-19 crisis kaya naman buhos ang suporta at pagtulong niya sa mga ito.
Maliban nga sa mga nabigyan nila ng relief at tulong sa probinsiya ng Quezon, ay may isang ginang pa itong napili para patayuan ng bahay.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Marcelito, sinabi nitong nalaman niya ang tungkol sa kalagayan ni nanay Aurora dahil sa isang Facebook post.
“May nag-post sa Facebook tungkol kay nanay Aurora, at yung bahay niya, parang C.R. lang talaga. Tapos tumba na. Ten years na siyang nakatira doon, siya lang mag-isa. Hindi ako nagdalawang-isip. Naantig yung puso ko, kasi noon, yung nakaraan ko, isa akong palaboy. Wala akong tinutuluyan. Kung san-saan nakatira. Bakit hindi ko tutulungan ang taong ito. Parang nanay ko rin ito eh.”
Ibinahagi rin ng singer na sa loob ng apat na araw ay natapos na ang paggawa ng bahay para sa ginang.
“Mabilis natapos, apat na araw lang. Sobrang komportable na siya sa bahay niya ngayon.”
Patuloy naman anyang magbibigay suporta ang Pinoy pride habang patuloy na humaharap ang marami sa hirap na dala ng COVID-19 crisis.
“Hindi pa tapos itong pandemic, kaya kailangan kong kumilos. Andito ako para sumuporta rin. Ako nama’y nakaluwag-luwag na rin sa awa ng Diyos, kaya kailangan ko ring suklian. Kailangan ko ring ibalik ito sa mga taong mas nangangailan kaysa sa akin.”