Bakas ang pagiging proud ng singer na si Marcelito Pomoy na kabilang muli siya sa grupo ng mga umawit ng Philippine national anthem sa laban ni Sen. Manny Pacquiao kontra kay Keith Thurman sa Las Vegas.
Nabatid na ilang oras bago ang paghaharap ng 40-year-old Pinoy ring icon at 30-year-old American boxer, isa si Pomoy sa mga nagpaabot ng goodluck wish kay Pacman.
Ang singer mula Surigao ay nakilala dahil sa kanyang “doble-kara” talent.
Unang pinili ng Pinoy ring icon si Pomoy na umawit ng “Lupang Hinirang” sa naging laban nito sa Argentine boxer na si Lucas Matthysse noong July 2018, kasama pa rin ang tinaguriang singing pastors ng General Santos City.
Kung maaalala, dati na ring kumanta ng “Lupang Hinirang” ang nasabing mga pastor sa sunod-sunod na laban ni Pacquiao noon kontra kay Chris Algieri, Floyd Mayweather Jr., Timothy Bradley, at Jessie Vargas mula 2014 hanggang 2016.
Nabatid na mahigpit ang National Historical Commission sa tamang pag-awit ng national anthem ng Pilipinas kung saan hindi dapat iniiba o binabago ang tono.