-- Advertisements --

Tiniyak mismo ni Sen. Manny Pacquiao na nakatutok ito kay Pinoy boxer Eumir Marcial at sa paghahanda nito para sa Tokyo Olympics.

Bilin ni Pacquiao kay Marcial, ipaglaban ang Pilipinas sa Olympics at tutulungan niya raw ito sakaling magpasya na itong pumasok sa mundo ng professional boxing.

Wala rin aniyang dapat na alalahanin si Marcial sapagkat aalagaan daw ito ng Pinoy ring icon at papandayin para maging world champion.

Nasa arsenal ngayon ng MP Promotions ang ilang sa mga reigning world champions ng Pilipinas gaya nina Jerwin Ancajas, John Riel Casimero at Pedro Taduran.

Una rito, nilapitan na raw si marcial ng mga boxing groups mula Estados Unidos at sa United Kingdom, kasama na ang New Yorker na si Shelly Finkel na dating manager ni Pacquiao sa dalawang laban nito noong 2006.

Bagama’t wala pang pasya si Marcial ukol dito, binabalak na nitong pumasok sa pro boxing.

Kaya naman naghayag ng pagkabahala ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) dahil sa posibilidad na pumasok na agad sa pros si Marcial kahit na hindi pa lumalaban sa Olympics.