Pinalutang ng China na may alam umano ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gentleman’s agreement ng China kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa West PH Sea.
Base sa ibinahaging post mula sa tagapagsalita ng Chinese Embassy sa PH ngayong araw, nangako pa umano ang kasalukuyang administrasyon sa “new model” sa pangangasiwa ng Ayungin shoal sa unang bahagi ng 2024 matapos ang ilang serye ng seyosong komunikasyon sa PH military.
Ngunit, nakalulungkot aniya dahil isang round lamang ng resupply mission ang naisagawa sa ilalim ng kanilang arrangements o kasunduan bago ito abandonahin umano ng panig ng PH ng walang magandang dahilan.
Ayon sa Chinese embassy, makailang ulit umano nilang ipinaalam sa kasalukuyang administrasyon mula ng mag-assume ito sa pwesto ang tungkol sa kasunduan na taliwas naman sa unang pahayag ni Pangulong Marcos na wala itong nalalaman sa naturang secret deal.
Sinabi din ng Chinese embassy na nananatiling commited ang administrasyong Marcos sa pag-explore ng mga paraan sa pangangasiwa sa pagkakaiba sa pamamagitan ng dayalogo at konsultasyon sa panig ng PH.
Ipinaliwanag din ng embahada na ang kasunduan ni Duterte sa China ay tungkol sa pamamahala ng sitwasyon sa ground, pagpapanatili sa kapayapaan at pagpigil sa mga hidwaan.
Wala din umanong kinalaman sa kaniya-kaniyang sovereign positions ang naturang kasunduan at hindi din umano ito sekreto dahil ang mga relevant department at mga ahensiya ng 2 bansa ay nagtulungan para epektibong mapanatili ang kapayapaan at stability sa Ayungin shoal hanggang noong unang bahagi ng Pebrero 2023 o 7 buwan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Inimbitahan din umano ng China ang ilang envoy of the President to China for Special Concerns para talakayin ang pangangasiwa ng dispute sa Ayungin shoal noong Setyembre 2023.
Bagamat hindi na idinetalye pa ng embahada ang umano’y pagpupulong sinabi nito na nagresulta umano ito ng internal understanding.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na komento ang DFA kaugnay sa panibagong mga pahayag ng China.