Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na tutulungan ng Kamara de Representantes ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. upang maabot ang pinapangarap na rice self-sufficiency ng bansa sa Hunyo 2028.
Ayon kay Speaker Romualdez ang layunin ng lahat ng ginagawa ng administrasyong Marcos sa sektor ng agrikultura partikular ang pagtulong sa magsasaka ay maparami ang produksyon ng bigas sa bansa upang hindi na kailanganing mag-angkat pa.
Sinabi ng lider ng Kamara na ang mga ahensya gaya ng Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) ay gumagawa ng mga hakbang upang maparami ang produksyon ng pagkain sa bansa.
Ayon sa kinatawan ng unang distrito ng Leyte, ang mga hakbang na ito ay naglalayong marating ang rice self-sufficiency ng bansa.
Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na pangmatagalang pag-iisip upang mapanatili ang pagkakaroon ng seguridad sa pagkain ang bansa.
Nauna rito ay tiniyak ng Kamara de Representantes sa mga lokal na magsasaka na magpapatuloy ang suporta na ibinibigay sa kanila ng administrasyon sa kabila ng pagbabawas sa taripang ipinapataw sa imported na bigas.
Sinabi nina Enverga at Co na sa kabila ng pagpapatupad ng Executive Order No. 62 na nagbabawas sa taripa ng imported na bigas sa 15 porsiyento mula 35 porsiyento ay magpapatuloy ang mga programa ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga magsasaka.
Iginiit ni Enverga na malaking pondo ang inilalaan ng gobyerno upang suportahan ang mga magsasaka bukod pa sa pondong naiipon sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na mula naman sa buwis na ipinapataw sa imported na bigas alinsunod sa Rice Tariffication Law (RTL).
Sa ilalim ng RTL, 10 bilyon mula sa nakolektang buwis ang ilalaan sa mga programa upang tulungan ang mga magsasaka gaya ng mechanization, mas magandang binhi, at bagong teknolohiya sa pagsasaka.
Matatapos na ang implementasyon ng RCEF ngayong taon kaya nagpasa ng panukala ang Kamara na palawigin pa ito hanggang 2030 at itaas sa P15 bilyon ang inilalaang pondo para sa mga magsasaka.
Batay sa datos ng Bureau of Customs (BOC), hanggang noong Mayo ay nakakolekta na ito ng P22 bilyon mula sa buwis na ipinataw sa imported na bigas.
Sinabi ni Enverga na ang paglalaan ng malaking pondo sa national rice program ay patunay na seryoso sina Pangulong Marcos at Speaker Romualdez na mapataas ang sektor ng agrokultura ng bansa.
Ayon naman kay Co ang malaking suportang pinansyal at mga imprastrakturang itatayo sa susunod na taon para sa mga magsasaka ay tiyak ng mapopondohan.