Walang pagbabago sa paninindigan ng administrasyong Marcos ukol sa hurisdiksyon ng International Criminal Court sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Solicitor General Menardo Guevarra na bagaman ilang buwan na ang nakakalipas mula noong sinabi ni PBBM na walang legal duty ang Pilipinas upang makipag-cooperate sa ICC, nananatili pa ring pinapanindigan ito ng kasalukuyang administrasyon.
Ito ay dahil na rin sa tuluyang pagkalas ng Pilipinas mula sa ICC noon pang 2019.
Ayon kay Guevarra, hanggang sa ngayon ay wala pang sinasabi si PBBM na pagbabago sa naturang paninindigan.
Ito ay sa kabila ng mga political development na nangyayari sa bansa.
Maalalang una nang lumutang ang balita na maaaring isilbi na ang warrant of arrest laban kay dating PRRD at dating PNP Chief at ngayo’y Sen. Ronald Dela Rosa dahil sa umano’y malawakang extra-judicial killings na nangyari sa ilalim ng drug war.
Gayunpaman, una nang sinabi ni PBBM na walang legal na obligasyon ang Pilipinas sa ICC matapos ang opisyal na pagkalas ng bansa noong panahon ni dating PRRD.