VIGAN CITY – Tahasang tinawag na “bully” ng kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos ang kampo ni Vice President Leni Robredo.
Ito ay may kaugnayan sa mga ginagawang hakbang nina Robredo bago pa man ang nakatakdang pagdesisyon ng Supreme Court (SC) hinggil sa naihaing election protest na may kaugnayan sa pinaniniwalaang nangyaring dayaan noong 2016 vice presidential elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, na ang paghahain ng kabilang kampo ng urgent motion para makakuha ng kopya ng desisyon ng korte hinggil sa kanilang inihaing election protest at ang pagbubunyi kahit wala pang desisyon ang korte ay pambu-bully daw at pangha-harass sa korte na umuupong Presidential Election Tribunal (PET).
Ayon kay Rodriguez, ginagawa umano ang mga ito ng kampo ni Robredo upang magpalabas ang korte ng desisyon na pabor sa kanilang panig.
Kaugnay nito, pinayuhan nito ang kabilang kampo na respetuhin ang desisyon ng korte at itigil na ang mga ginagawang propaganda.