-- Advertisements --

Kasunod ng matagumpay na diplomatikong hakbang na nagresulta sa pagpapalaya sa mga overseas Filipino worker sa Qatar, iniutos ni Pres. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensiya na magbigay ng agarang legal na tulong sa mga Pilipino na nahaharap sa mga kasong kriminal sa China at South Korea.

Iginiit ng administrasyong Marcos ang kanilang pangako na pangalagaan ang mga karapatan ng mga OFW, sa harap ng mga ulat na 20 Pilipinong marinero ang iniimbestigahan dahil sa umano’y pag-smuggle ng higit sa 50 kahon ng hinihinalang cocaine mula sa South America patungong East Asia.

Kinumpirma ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac noong Martes na ang mga miyembro ng Filipino crew ay hinihinalang sangkot sa international drug operation, na sumasaklaw kapwa sa China at South Korea.

“This is already included in the investigation—who may be involved, if any of the crew members are included, what the details are, where they were or their locations, and the involvement of each crew member on board,” sabi ni Cacdac sa isang panayam.

“But as of now, of course, they are entitled to their defense, to be presumed innocent. We are providing the necessary legal counsel in tandem with the one provided by the ship owner,” dagdag pa niya.

Tiniyak ni Cacdac na ang mga nasangkot ay makatatanggap ng tamang legal na suporta mula sa pamahalaan ng Pilipinas.

Samantala, tumaas ang tensyon sa China kasunod ng pag-aresto sa tatlong Pilipino na sina David Servañez, Albert Endencia, at Nathalie Plizardo, na inakusahan ng mga awtoridad ng China ng espionage.

Sinasabi ng Beijing na ang tatlo ay nagtatrabaho kasama ang Philippine intelligence upang mangalap ng sensitibong impormasyon ukol sa kanilang militar.

Ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagkakaloob ng lahat ng kinakailangang tulong sa tatlong inaresto.

Gayunman ay tumanggi ang Malacañang na magbigay ng komento sa mga akusasyon na ang mga pag-aresto ay maaaring ganti sa mga hakbang ng Maynila laban sa mga hinihinalang Chinese spies sa Pilipinas.

“There is always an instruction to help our Filipino citizens abroad facing these kinds of charges. Legal assistance will always be given, all the necessary help and assistance will be provided,” sabi ni Undersecretary Claire Castro ng Palace press office.

Kinilala rin ng National Security Council (NSC) ang posibilidad na ang hakbang ng China ay maaaring isang tugon sa mga kamakailang pag-aresto na may kinalaman sa espionage ng mga dayuhan sa Pilipinas.

Tiniyak din ni Marcos sa publiko na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang tulungan ang mga Pilipinong nahaharap sa mga suliraning ito sa ibang bansa at matiyak na makakakuha sila ng suportang kailangan nila.