Patuloy umano sa pangunguna si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at runningmate nito na si Davao City Mayor Sara Duterte para sa May 9 elections, ayon sa pinakabagong survey ng Pulse Asia.
Sa January 19 to 24 survey na nilahukan ng 2,400 adult respondents, umangat pa sa 60 percent ang nakuhang boto ni Marcos bilang most preferred presidential candidate mula sa 53 percent na nakuha nito sa survey noong Disyembre ng nakaraang taon.
Naitala ang pag-angat sa lahat ng geographic areas sa 53 to 66 percent at socio-economic groups sa 50 to 61 percent.
Sa vice presidential race, sinabi ng Pulse Asia na nakamit ni Duterte ang “near to huge majority” voter preferences makaraang umakyat sa 50 percent mula 46 percent noong December 2021.
Nakuha ni Duterte ang majority ng suporta mula sa geographic areas at socio-economic classes na 47 percent sa Visayas, 84 percent sa Mindanao, at 49 percent hanggang 55 percent sa bawat socio-economic group.