Nakikipag-ugnayan ngayon ang Malakanyang sa mga opisyal ng dating administrasyon upang bigyang linaw ang usapin kaugnay sa “gentleman’s agreement” sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng China.
Nabatid na sa nasabing secret deal ay kailangan magpa alam ng Pilipinas sa China kapag mayruong itong ginagawang rotation and resupply mission sa BRP Sierra Madre na naka base sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., walang ideya ang kaniyang administrasyon hinggil sa “gentleman’s agreement” dahil walang sinasabi o iniwang dokumento ang nakalipas na administrasyon ukol dito.
Sinabi ng Presidente na hindi katanggap-tanggap na magpa-alam ang Pilipinas sa China sa tuwimg may gagawin itong aktibidad sa West Philippine Sea dahil ang nasabing lugar ay sakop sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Una ng inihayag ng Pangulo na hindi padadala ang Pilipinas sa anumang mga banta lalo na sa soberenya ng bansa.