-- Advertisements --

Hindi raw katanggap-tanggap sa kampo ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na ibinasura lang ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang inihain nitong electoral protest.

Partikular na pinatutsadahan ni Marcos si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, na siyang nagsulat sa PET ruling na nagbabasura sa election protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Sa pamamagitan ng kaniyang tagapagsalita na si Atty. Vic Rodriguez, sinabi nito na dismayado siya sa naging desisyon ng tribunal dahil hindi man lang daw ito hinayaan na ipresenta ang patunay na may naganap na malawakang dayaan sa Mindanao noong 2016 vice presidential election.

Ipinaliwanag din nito na ang kapangyarihan ng PET ay plenary.

Bnigyang-diin din ni Marcos na dapat ay gawin ng PET ang lahat ng makakaya nito upang malaman kung sino ang totoong nanalong bise presidente, limang taon na ang nakararaan. Tila ipinagkakait daw kasi ng PET sa publiko na malaman kung sino talaga ang nanalo noong huling halalan.

Noong Abril 19, inilabas ng Supreme Court ang desisyon nito na nagbabasura sa electoral protest ni Marcos laban kay Robredo sa kadahilanang kulang umano ang mga ebidensya na magpapatunay sa alegasyon ng dating senador.

15 mahistrado ang bumoto na ibasura ang electoral protest ni Marcos.