Naniniwala si House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Representative Jude Acidre na tama ang direksyong tinatahak ng administrasyong Marcos upang makapagbigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino.
Ito’y sa kabila ng bahagyang pagtaas ng unemployment rate sa bansa na naitala sa 3.9 percent nitong Marso mula sa 3.5 percent.
Sinabi ni Acidre na dito makikita ang kahalagahan ng panghihikayat ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga investor na magnegosyo sa bansa.
Tinutulungan din aniya ang mga negosyante sa pamamagitan ng Ease of Doing Business upang makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Kahit paano ay “manageable” umano ang unemployment lalo’t tumaas ang labor force sa 51.5 million mula sa 50.75 million workers.
Naniniwala naman si Deputy Majority Leader at Isabela Representative Inno Dy na magandang hakbang ang mga isinasagawang job caravan sa pakikipagtulungan ng local government units upang mapag-ugnay ang mga employer at aplikante.
Kung susuriin ay mas bata umano ang demographics ng mga naghahanap ng oportunidad kaya mainam na maitugma ang skills o kasanayan para sa high-quality jobs.