Inihayag ng Chinese Embassy in Manila na una nang pumayag umano ang administrasyong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa umano’y pagpapanatili ng “status quo” agreement sa supply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Ito ang ipinunto ng naturang embahada kasunod ng pagkumpirma na mayroong naging “gentleman’s agreement” ang dating administrasyong Duterte sa China pahinggil sa hindi pagkukumpuni sa BRP Sierra Madre na isinadsad sa bahagi ng Ayungin Shoal upang magsilbing base militar ng Pilipinas sa naturang lugar.
Ayon sa naturang embahada, sa pagsisimula raw ng administrasyong Marcos Jr. ay sinusunod pa nito ang naturang agreement kung saan tanging mga pagkain at walang kasamang construction supplies ang dadalhin sa BRP Sierra Madre sa tuwing nagsasagawa ang militar ng RoRe mission sa Ayungin shoal.
Ngunit noong Pebrero 2023 ay itinigil na ng Pilipinas ang pagsunod sa naturang kasunod na nagmitsa naman aniya sa kung ano ang naging aksyon ng China sa WPS.
Kung maaalala, una nang sinabi ni Duterte na maging ang kanyang security adviser at top military officials, kabilang na si National Security Adviser Eduardo Ano ay alam din ang naturang verbal agreement nito sa China pahinggil sa hindi pagdadala ng construction materials sa Ayungin Shoal na kaniya umanong hakbang upang maiwasan na magkaroon ng giyera sa pagitan ng Pilipinas at China.