Patuloy na nangunguna si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa latest survey na isinagawa ng OCTA Research group, kung saan pumapangalawa naman si Vice President Leni Robredo na may pinakamalaking increase sa mga kandidato.
Base sa resulta ng Tugon ng Masa Survey na isinagawa noong Abril 2 hanggang 6, natukoy na si Marcos ay nakakuha ng 57 percent preference votes mula sa 1,200 sample size.
Natukoy din sa latest results na ito na mayroong pagtaas kumpara sa 55 pecent preference votes na nakuha si Marcos noong Pebrero 12 hanggang 17.
Si Robredo ang sumunod kay Marcos na mayroon namang 22 percent preference votes mula sa mga respondents sa buong bansa.
Mas mataas ito ng 7 percentage points kumpara sa 15 percent na naitala naman niya noong Pebrero.
Sinundan si Robredo nina Manila City Mayor Isko Moreno na may 9 percent, Sen. Manny Pacquiao na may 7 percent at Sen. Panfilo Lacson na may 4 percent.
Sila ay sinundan naman nina dating Palace Spokesperson Ernie Abella na may 1 percent, negosyante na si Faisal Mangondato at Labor Leader Leody De Guzman na kapwa may 0.1 percent, at dating Defense Secretary Norberto Gonzales na may 0.001 percent.
Nasa 1 percent naman ng mga respondents ang hindi nagbigay ng categorical answer para sa kanilang napupusuang presidential candidate.