-- Advertisements --
carlos bbm
Prof. Clarita Carlos with President-elect Ferdinand Marcos Jr.

Kinumpirma ngayon ng kampo ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na tinanggap na ni retired UP Professor Clarita Carlos ang alok na maging National Security Adviser (NSA) at si ABONO Partylist Rep. Conrado Estrella III bilang susunod na Department of Agrarian Reform (DAR) secretary.

Si Carlos ay isang kilalang political science analyst at retired University of the Philippines professor.

Siya ang unang babaeng naging civilian president ng National Defense College of the Philippines.

Tumayo rin siyang executive director ng policy research think tank na StratSearch Foundation Inc., naging head ng Center for Asia Pacific Studies at consultant ng Local Government Development Foundation mula pa noong taong 1993.

Samantala, si Estrella naman ay isa sa deputy speakers ng 18th Congress.

Bago naging partylist representative, dati na rin siyang nahalal bilang kongresista noong taong 1987 at 1995 bilang kinatawan ng Pangasinan 6th district.

estrella BBM
Abono Rep. Conrado Estrella and President-elect Ferdinand Marcos Jr.

Noong 8th Congress, isa siya sa pinakabatang nahalal sa edad na 26.

Muli siyang nahalal noong 2001 hanggang 2010.

Una na ring nakaladkad ang kanyang pangalan sa imbestigasyon ng NBI sa pork barrel scam.

Ang pag-anunsiyo sa dagdag pa na gabinete ni incoming President Marcos ay tatlong linggo bago naman ang inagurasyon niya sa June 30.