LEGAZPI CITY- Inihayag ng isang election lawyer na maaring hindi pa rin matuloy si Ferdinand Bongbong Marcos Jr. bilang pangulo ng bansa sakaling pumabor ang Supreme Court sa kinakaharap nitong disqualification at cancellation cases.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Emil Marañon, kahit na makapagsagawa na ng inagurasyon at makaupo na si Marcos bilang ika-17 pangulo ng bansa, tuloy pa rin ang pagdinig ng SC sa kaso at maipapatupad ang magiging kautosan nito.
Sakaling paboran ng SC ang Cancellation case, hindi na isasama pa ng national board of canvassers ang bilang ng mga bumuto kay Marcos at otomatiko ng ang pangalawang may pinakamataas na boto ang u-upong pangulo.
Kung disqualification case naman ang sasang-ayon ng Supreme Court, ang Presumptive Vice President na si Sara Duterte-Carpio ang magiging pangulo.
Payo ni Marañon sa kampo ni Marcos na tutokan ang naturang mga kaso lalo pa’t hindi pa rin natatapos ang pagdinig nito kahit nakalipas na ang eleksyon.