LAOAG CITY – Malaki umanong tulong para sa kampo ni dating Senador “Bongbong” Marcos ang pagkontra ng mga mahistrado ng Korte Suprema na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal (PET) sa rekomendasyon ni Justice Alfredo Benjamin Caguioa na ibasura ang kanyang electoral protest.
Ito’y matapos ang report ni Caguioa na hindi nakabawi ng boto si Marcos sa ginawang manual recount sa mga balota sa napiling pilot provinces na Negros Oriental, Iloilo at Camarines Sur, dahil lalo pa raw tumaas ang kalamangan ni Vice President Leni Robredo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Marcos, sinabi nitong hindi tama ang rekomendasyon ni Caguioa na idismis ang kaso at tuluyang ideklarang panalo si Robredo bilang bise presidente.
Iginiit nito na sa botong 11-2 ay hindi tinanggap ng mga mahistrado ng PET ang sinasabi ni Caguioa at dapat ituloy ang kaso at huwag biglang tapusin.
Ibinilin pa aniya ng PET sa kanya na maglabas pa ng mga ebidensya laban sa kabilang kampo at ito ngayon ang kanyang pinaghahandaan.
Nagtataka si Marcos sa mga naglalabasang report hinggil sa inihayag ni Caguioa gayong hindi naman daw ito tinanggap ng Korte Suprema at hindi ito ang nasunod.
Samantala, nagpasalamat at nanawagan si Marcos sa publiko lalo na ang kanyang mga tagasuporta na huwag basta maniwala sa mga naglalabasang report ukol sa kanyang eletoral protest.
Nabatid na dalawang beses nang ipinagpaliban ng Korte Suprema ang pagpapalabas ng resulta ng electoral protest ni Marcos laban kay Robredo.