Sinisi ni Senadora Imee Marcos ang umano’y kakulangan nang maagap na babala ng PAGASA na naging dahilan ng pagkasawi ng maraming indibidwal dulot ng bagyong Kristine.
Sinabi ni Marcos na walang sapat na babala mula sa state weather bureau hinggil sa posibleng epekto ni Kristine, na ikinamatay ng hindi bababa sa 146 na indibidwal at ikinasugat ng 91 iba pa, habang 19 ang naiulat na nawawala.
Giit ng senadora, kung nasabihan nang maayos ng PAGASA ang local government unit ukol sa epekto ng ulan, ay nakalikas nang maaga ang maraming indibidwal at hindi nasawi.
Tanong pa ni Marcos ay bakit tila tuwing may bagyo ay kulang sa abiso gayong may sapat naman daw na pondo ang gobyerno.
Kung ikukumpara aniya ang 2024 General Appropriations Act sa 2025 National Expenditure Program, tumaas ang badyet ng Department of Science and Technology ng P1.542 bilyon.
Tumaas din ang PAGASA ng P290 milyon, mula P1.641 bilyon ay P1.931 bilyon na para sa 2025.