Lumaki pa lalo ang tsansa ni Pinay skateboarder Margielyn Didal na makapasok sa Tokyo 2020 Olympics.
Nagtapos kasi sa 5th place si Didal – na pinakamataas na puwestong naabot ng isang Pilipino – sa Street League Skateboarding World Tour nitong Lunes (Manila time) na ginanap sa CA Skateparks Training Facility sa Los Angeles.
Umiskor ng 21.2 ang Cebuana skateboarder sa women’s final at nadaig ang dating world champion at five-time Summer X Games gold medalist Leticia Bufoni ng Brazil (21.0).
Inuwi naman ng 11-year-old Brazilian prodigy na si Rayssa Leal ang kampeonato sa kanyang 23.3 na score; habang pumangalawa naman si Alana Smith ng Estados Unidos (22.5); at laglag naman sa third place si defending champion Aori Nishimura ng Japan (22.1)
Matatandaang si Didal ang nagbulsa ng ikaapat na gintong medalya ng Pilipinas noong 2018 Asian Games at inaasahang sasabak din sa 2019 Southeast Asian Games kung saan magsisilbing host ang Pilipinas.