TACLOBAN CITY – Sinabayan ng malalakas na alon sa dagat para sa mga surfers ang nagpapatuloy na Surf in the City national competition na isinasagawa sa Borongan City sa Eastern Samar kung saan mismo si Tokyo Olympics 2020 skateboarder Margielyn Didal ang pangunahing panauhin sa nasabing aktibidad.
Ayon kay Borongan City Mayor Jose Ivan Dayan Agda, sa pamamagitan ng isang resolusyon, idineklara ng Borongan City bilang “Adopted Citizen” si Didal kung saan makakatanggap ito ng lahat ng benepisyo ng isang Boronganon tulad na lamang ng medisina, social services at iba pa.
Ang isinasagawang Surf in the City competition sa Borongan sa ngayon ay ang first leg ng Philippine surfing championship kung saan mahigit 200 mga surfers mula sa Ilocos Region, Central Luzon, Bicol, Eastern Visayas, Davao, at Caraga Region ang nakikilahok.
Ito ay dalawang taon matapos ang pagkansela sa nasabing surfing competition dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang mananalo sa nasabing national competition ang magiging representantive ng Pilipinas sa SEA Games at iba pang international competitions.
Ang isang linggong sports festival ay nagsimula noong nakaraang Disyembre 6 at matatapos ngayong Disyembre 12 kung saan maliban lamang sa surfing ay kasama ring sa lineup of activities ang beach football, skateboarding, at skimboarding.