-- Advertisements --

Maaasahan ng mga basher o kritiko ni Marian Rivera na magpapakatotoo lamang ang aktres kaugnay sa nakatakdang pagiging hurado sa 70th Miss Universe.

Marian to bashers

Pahayag ito ng 37-year-old actress kasunod ng mga natanggap na papuri at panlalait matapos niyang kumpirmahin na napili nga siyang maupo sa panel of judges.

Ayon sa misis ng aktor na si Dingdong Dantes, hindi siya magpapanggap kung saan kikilos at magsasalita siya kung ano ang nararamdaman niya para sa big day ng Miss Universe candidates.

“Kinuha nila ako para sa aking body of work bilang isang Filipina. At ang masasabi ko lang, kilala niyo naman ako. Hindi naman ako mapagpanggap, hindi ba? So, ie-express ko ang sarili ko na naaayon sa nararamdaman ko sa araw na ‘yan,” nakangiting sambit ni Rivera sa virtual media conference.

Una nang inihayag ni Marian na isang karangalan na imbitahan siya mismo ng Miss Universe Organization na idinaan sa pamamagitan ng talent management agency na namamahala sa kanyang showbiz career.

“Siguro ’yung description na magja-judge ako, siguro ang pananaw ko du’n, nandu’n ako para i-appreciate ko at maging saksi sa mga kagandahan ng mga kababaihan sa buong mundo,” dagdag nito. “At siguro, hindi lang ’yung kagandahan nila kung hindi ang katapangan din nila na maibalik ang humanity sa ating mundo sa kabila ng mga pinagdaanan natin. Alam mo ’yun, ’yung radical na pagbabago na ibinigay sa atin ng pandemya na ‘to. So mas ’yun ang nilu-look forward ko, ang makilala at makita silang lahat.”

Kahilera na nito ang mga Filipino celebrities tulad nina Kuh Ledesma, Lea Salonga, at Pia Wurtzbach na naging judge na rin ng Miss Universe.

Nabatid na ngayong araw ang flight ni Marian patungo sa Israel kung saan inaasahang dadalo na siya sa preliminary competition at closed-door interviews, eksakto isang linggo bago ang coronation night sa darating na December 13 Manila time.

Pambato ng Pilipinas ay ang 26-year-old Cebuana beauty na si Beatrice Luigi Gomez at tatangkain nitong masungkit ang pang-limang Miss Universe crown para sa bansa.