LAOAG CITY – Nabulabog ang Mariano Marcos State University sa lungsod ng Batac dito sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos makatanggap ng bomb threat.
Ito ay sa pamamagitan ng mensaheng ipinadala mula sa isang facebook account na may pangalang “Dumper Chlo.”
Dahil dito, agad na lumikas ang lahat ng mga estudyante at guro para sa kanilang kaligtasan.
Ang mga klase ng mga mag-aaral ay inilipat sa pamamagitan ng asynchronous mode habang ang mga empleyado ay nagtatrabaho mula sa bahay.
Batay sa natanggap na mensahe, nakasaad na mayroong 11 hinihinalang bomba ang itinanim sa paligid ng College of Health Sciences grounds kung saan lumabas na pito ang inilagay sa Pharmacy at Nursing Deparment habang apat din ang hinihinalang itinanim sa Physical Therapy. Deparment.
Binanggit din sa mensahe na hindi ito “kalokohan,” “Magnanakaw si Marcos” at kung sinuman ang dapat sisihin ay ang mga Marcoses kung saan eksaktong 1:30 ng hapon inasahan na sasabog ang mga nakatanim na bomba.
Kaugnay nito, sinabi ni Dianne Calantoc, estudyante ng Mariano Marcos State University na pagkatanggap pa lang nila ng mensahe na may bomb threat ay agad silang nataranta kung saan inutusan silang lumabas ng unibersidad at umuwi na agad.
Samantala, ipinaliwanag ni Dr. Virgilio Julius Manzano, Officer In Charge, na mas hihigpitan pa nila ang security protocol kung saan bubuo sila ng panuntunan para maiwasang maulit ang insidente.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang balitang ito, ipinaalam ni P/Col. Frederick Obar, Provincial Director ng Ilocos Norte Police Provincial Office na negatibo o walang bomba na nakita sa loob ng unibersidad sa pinagsanib na pwersa ng Batac City Police Station, Ilocos Norte Police Provincial Office, Special Weapons and Tactics at iba pa.