-- Advertisements --

Hindi big deal kay Robin Padilla na babae muli ang second baby nila ng misis at kapwa celebrity na si Mariel Rodriguez.

Pahayag ito ng tinaguriang “Bad Boy in Philippine Showbiz” sa gender reveal party sa Muntinlupa City kahapon kung saan ang anunsyo ni Mariel ay ang kanya ring first ever vlog entry.

Ayon sa 49-year-old action star, ang mahalaga ay lumaki ring mabuting tao ang pangalawang anak nila ng 34-year-old TV host.

“Gusto ko ‘yung anak ko makatulong doon sa tradisyon ng pamilya na makatulong doon sa less fortunate,” saad ni Binoe.

Nabatid na isinikreto ni Mariel kay Robin ang kasarian ng kanilang baby No. 2

“As in this is the biggest secret that I’ve kept from him Robin), and I tell him everything. Ito ‘yung talagang sinecret ko. There were times na madudulas na ako pero ginalingan ko talaga na i-surprise siya sa gender ng aming baby number two,” ani Mrs. Padilla.

Nitong Mayo nang ianunsyo ni Mariel na siya ay three months pregnant na aniya’y “perfect Mother’s Day” gift.

Taong 2016 nang isilang ng Padilla couple ang kanilang panganay na si Isabella, anim na taon matapos ang kontrobersyal na pag-iisang dibdib sa pamamagitan ng private ceremony sa Taj Mahal sa India.

Kung maaalala, dalawang miscarriage ang naranasan ng TV host bago ang matagumpay na panganganak.