Iginiit ng Dangerous Drugs Board (DDB) na nananatiling “dangerous drug” sa ilalim ng batas ng Pilipinas ang cannabis o marijuana sa kabila ng pagtanggal nito ng United Nations (UN) sa listahan ng mga itinuturing na mapanganib na droga.
Sinabi ni DDB chairman Catalino Uy, kinikilala lamang ng bansa ang medical marijuana pero mananatiling iligal ang paggamit nito bilang recreation o para sa paglilibang.
Ayon kay Usec. Uy, ipagpapatuloy ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang uniformed personnel ang pagpapatupad ng batas at operasyon laban sa marijuana.
Inihayag ni Usec. Uy na manatili itong regulated dahil umano sa pagiging “highly addictive” at may negatibong epekto sa kalusugan, social at legal consequences.
Umaasa naman ang opisyal na hindi magbibigay ng maling mensahe ang UN reclassification lalo sa mga kabataan na ligtas at legal gamitin ang marijuana para sa recreational use.
“Through this clarification, the DDB and PDEA hope that the reclassification of cannabis by the UN-CND will not send a wrong message to the public, especially the youth that it is safe and legal for recreational use,” ani Usec. Uy.