GENERAL SANTOS CITY – Mahigpit na mino-monitor ng mga personahe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12 ang apat na mga lugar sa North Cotabato na mayroong marijuana plantation.
Ito ay matapos kinumpirma ni PDEA-12 Director Naravy Duquiatan na kanilang binabantayan ang ipinupuslit na marijuana sa Arakan, Pikit, Aleosan, at Carmen na posibleng lugar sa illegal plantation batay sa kanilang mga field assets.
Ayon kay Duquiatan, ang naturang iligal na droga ay tina-transport ng motorsiklo at iba pang uri ng moda ng transportasyon upang madaling maipuslit.
Aniya, ang kasalukuyang presyo ng dahon ng marijuana ang mabibili umano ngayon sa pagitan ng P25 hanggang P250 kada gramo.
Dagdag pa ng opisyal, binabantayan din ng anti-narcotics agents ang tri-boundary ng Malungon, Sarangani province, Tampakan sa South Cotabato at Columbio, Sultan Kudarat na napaulat na mayroong marijuana plantations na mini-maintain umano ng mga lawless groups.