Nilalatag na rin ng pamahalaang panlungsod ng Marikina ang sarili nilang cold storage facility para sa mga bibilhin nilang bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, nakalagay na sa pasilidad ang mga kinuha nilang vaccine carriers.
Inaasahan din aniya ngayong linggo ang pagdating ng karagdagan pang mga vaccine carriers na kayang magpanatili ng subzero temperature.
Maliban sa Marikina, ang Taguig at Quezon City rin ang naghahanda na rin ng kani-kanilang mga cold storage facility.
Samantala, target ngayon ng city government na bumili ng dalawa hanggang tatlong vaccine products mula sa mga manufacturers sa United Kingdom at Estados Unidos.
Paliwanag ng alkalde, nais nilang magkaroon ang mga residente ng mapagpipilian ng mga bakuna, batay sa kaligtasan at pagiging mabisa nito.
Sa 270,000 na target vaccine recipients ng siyudad para makamit ang herd immunity, inihayag ni Teodoro na nasa 219,000 katao na ang nagpapalista sa city government sa kasalukuyan.