-- Advertisements --

Nag-aalok ang pamahalaang lungsod ng Marikina ng libreng cremation ng mga labi na ilegal na hinukay sa Barangka Public Cemetery.

Ito ay matapos mabunyag isang araw bago ang Undas na nasa 800 sako ng mga labi ang ilegal na tinanggal o hinukay mula sa mga nitso dahil nagpaso na umano ang 5 taong period na renta ng lote o vault sa public cemetery alinsunod sa nakapaskil na notice base sa ordinansang inisyu noong 2010.

Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, tinutunton na nila ang mga pamilya ng mga naapektuhan ng hindi maayos na pangangasiwa ng sinibak na administrator ng naturang public cemetery at 5 iba pang personnel.

Bibigyan naman ng option ang mga pamilya kabilang ang paglilipat ng mga labi sa ossuary o columbarium.

Sa ngayon, base sa datos mula sa city health office, sinabi ng alkalde na nasa 65 mga labi ang hinukay subalit posible pang tumaas ito habang nagpapatuloy ang pagbibilang.

Pansamantala munang ililipat ang mga labi sa temporary holding facility.

Maaari namang tawagan ng mga apektadong pamilya ang bagong pamunuan ng Barangka Public Cemetery o Marikina City health Office.

Samantala, magdadaos naman ng isang misa sa naturang sementeryo ngayong araw, Nobiyembre 2 para magbigay respeto sa mga labing ilegal na hinukay.

Matatandaan, noong Oktubre 31, sinampahan na ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang mga tauhan ng Barangka Cemetery na nasa likod umano ng hindi maayos na pamamahala sa mga labi na basta na lamang inilagay sa mga sako na malinaw aniyang paglabag sa Philippine Sanitation Code.