Nakataas pa rin sa ikalawang alarma ang Marikina River matapos tumaas ang lebel ng tubig dito nang dahil sa walang humpay na ulan na dulot ng bagyong Paeng.
Batay sa pinakahuling update ng Marikina Public Information Office, alas-10:04 ng gabi ng Oktubre 29, 2022 bahagyang bumaba sa 16.5 meters ang lebel ng tubig dito.
Dahil dito ay patuloy pa rin na pinaghahanda para sa paglikas ang mga residenteng nakatira malapit sa Marikina River.
Kung maaalala, bandang alas-6:05 ng hapon naitala ang pinakamataas na water level dito sa ngayon sa sukat na 17.3 meters nang bahagya pa itong bumaba sa 17.2 meters pagsapit ng alas-6:45 ng gabi.
Unang itinaas sa first alarm ang naturang ilog bandang alas-12:03 ng hapon ng Sabado, matapos na tumaas sa 15 meters ang tubig dito.
Samantala, ayon sa Marikina PIO, sa ngayon ay nananatiling nakabukas pa rin ang lahat ng walong gate ng Manggahan Floodway.