Isinailalim na ngayon sa third alarm ang Marikina River matapos na umabot na sa 18.0 meters ang water level dito.
Ayon sa Marikina Public Information Office, dakong alas-12:33 ng madaling araw ngayong Lunes, Setyembre 26, 2022, naitala ang pagtaas ng lebel ng tubig sa naturang ilog nang dahil parin sa pananalasa ni Bagyong Karding.
Ito ang dahilan kung bakit napilitang lumikas ngayon ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog at mga low-lying areas.
Personal namang binisita ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang mga lumikas na residente na kasalukuyang nasa Concepcion Integrated School na nagsisilbi bilang evacuation center para sa mga apektadong indibidwal.
Aniya, sa ngayon ay nasa 17,000 hanggang 20,000 na mga inbidwal ang kasalukuyan nang nananatili sa nasabing evacuation site habang nagpapatuloy pa rin naman ang paglikas ng iba pang mga apektadong residente sa Marikina City.
Bukod dito ay ipinag-utos na rin ng alkalde na magset-up pa ng mga dagdag na evacuation centers sa lugar dahil sa inaasahang mas marami pang mga pamilya ang pansamantalang iiwan ang kani-kanilang mga tahanan para lumikas sa mas ligtas na mga lugar.
Samantala, sa ngayon ay nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 sa ilang bahagi ng National Capital Region kabilang na ang lungsod ng Marikina.