Hinigpitan ng Maritime Industry Authority (Marina) ang pagbabantay sa mga barkong bibiyahe ngayong Holy Week kasabay ng pagbuhos ng mga pasaherong magsisuwian sa kanilang probinsiya.
Sa isang statement, sinabi ng Marina na nagsagawa ito pinaigting pa na compliance monitoring (ICM) drive mula Abril 1 hanggang 12 kung saan in-inspeksiyon ang nasa 113 passenger ships.
Layunin ng dalawang linggong inspeksiyon na ito na iberipika ang seaworthiness o nasa magandang kondisyon ang barko para maglayag at regulatory compliance ng mga barko bago ang pinakaabalang travel seasons sa ating bansa.
Base sa ahensiya, mayroong 10 barko na in-inspeksiyon ang sinuspendi dahil sa nakitang safety-related deficiencies.
Subalit, pinayagan ding makabalik sa kanilang operasyon ang 6 na grounded vessels matapos matugunan ang deficiencies at makapasa sa re-inspection.
Nagdeploy din ang Marina ng personnel sa Malasakit help desks sa port passenger terminals para matulungan ang mga biyahero at matugunan ang kanilang concerns ngayong Semana Santa.
Nitong nakalipas na Lunes Santo, Abril 14, iniulat ng Philippine Coast Guard na kabuuang 101,993 pasahero ang dumagsa sa lahat ng pantalan sa bansa.
Patuloy din ang pagdating ng mga pasahero ngayong Martes Santo, Abril 15, mula kaninang madaling araw hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga sa mga pantalan kung saan umabot ito sa mahigit 27,000 pasahero.