Nag-isyu ang Maritime Industry Authority (MARINA) ng relaxation order para mapangasiwaan ang inaasahang pagbuhos ng mga pasahero sa Holy Week.
Sa isang statement, inihayag ng ahensiya na nakasaad sa naturang order ang flexibility sa schedules ng mga biyahe, pagtaas ng trip frequencies at iba pang operational adjustments para sa mga kwalipikadong domesic shipping companies.
Saklaw din dito ang shipping operators na may valid certificates of Public Convenience, Provisional Authority o Special Permit na nago-operate sa mga apektadong ruta.
Para mapangasiwaan ang pagdagsa ng mga pasahero at cargo, kabilang ang rolling cargoes, pinapayagan ng relaxation order ang operators na umalis o bumiyahe na sa oras na maabot ang maximum passenger o cargo capacity kahit hindi pa oras ng scheduled departure.
Maaari ding bumalik agad ang mga barko sa mga congested ports matapos magbaba ng mga pasahero na dapat may clearance mula sa Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA) o Cebu Port Authority. Ipapatupad din ang First-Come, First-Serve policy para matiyak ang patas na serbisyo sa kabila ng mataas na demand.
Sakali mang kulangin ang serbisyo, papayagan ang ibang kwalipikadong operators na magpadala ng karagdagang barko para maibsan ang congestion ng mga pasahero.
Magiging epektibo ang naturang order sa buong Holy Week.