Nangako ang Maritime Industry Authority (Marina) na ipaprayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong seafarer sa buong mundo kasabay ng pagdiriwang ng Day of the Filipino Seafarer ngayong araw ng Martes, Hunyo 25.
Ayon kay Marina Administrator Sonia Malaluan, isang mahalagang aspeto na hindi dapat ipagwalang bahala ang kaligtasan sa karagatan kayat sa bawat paglalayag kailangan ng matinding pagsasanay, tamang kagamitan at patuloy na pagsunod sa mga safety measure para masiguro ang kaligtasan ng mga marino at barkong kanilang sinasampahan.
Inihayag din ng Marina official na ang mga Pilipinong seafarers ang backbone ng global maritime industry.
Kayat sinisiguro ng Marina na ang kakayahan at competitiveness ng Filipino maritime professionals sa pamamagitan ng maayos na pagsasanay at pagsunod sa international conventions partikular na sa International Convention on Standards of Training,Certification, and Watchkeeping for Seafarers (STCW Convention).
Pinuri din ng opisyal ang mga Pilipinong marino sa kanilang world-class skills at hindi matatawarang dedikasyon, commitment at katapangan.
Una rito, inaalala sa bansa kada taon tuwing ika-25 ng Hunyo ang Day of the Filipino Seafarer sa bisa ng Presidential Proclamation No. 183 series of 2011.
Ang tema para sa selebrasyon ngayong taon ay “Navigating the Future: Safety First #SafetyTipsAtSea” na ayon kay Malaluan ay paalala sa kanila sa malaking pagpapahalaga ng kaligtasan sa shipping.
Sa mga nakalipas nga na buwan, naging sentro ng mga pag-atake ng Houthi rebels ang mga naglalayag na barko sa may Red Sea kung saan kabilang sa mga nakasakay ay Pinoy seafarers na nalalagay sa peligro.
Ang pinakahuli ay ang pag-atake ng rebeldeng grupo noong Hunyo 12 sa Liberian-flagged bulk carrier M/V Tutor ba nay lulang 22 Pilipinong tripulante kung saan 1 dito ang nawawala habang nakauwi na sa bansa ang 21 iba pa.