ILOILO CITY – Humingi nang tawad sa sangguniang panlalawigan ng Guimaras at sa mga survivors ng Iloilo Strait tragedy ang Maritime Industry Authority (MARINA) Region 6.
Ito ay matapos na nabigo ang ahensya na dumalo sa isinagawang legislative inquiry.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay MARINA-6 Regional Director Jose Venancio Vero, sinabi nito na dalawang imbitasyon para sa legislative inquiry ang kanilang natanggap.
Ang isa ay mula sa sangguniang panlalawigan ng Guimaras at ang isa ay mula sa Iloilo City Council.
Ayon kay Vero, mas binigyan nila ng prayoridad ang Iloilo City Council dahil mas nauna itong nagpadala ng imbitasyon.
Aniya, ipinaalam nila sa sangguniang panlalawigan ng Guimaras na hindi sila makakadalo sa inquiry.
Dagdag pa nito, hindi siya nagpadala ng kinatawan dahil nais niyang personal na makakaharap at makausap ang mga survivors upang makapagpaliwanag ng kanilang panig.
Una nang nagpahayag ang sangguniang panlalawigan ng Guimaras na itinuturing nilang pang-iinsulto ang hindi pagsipot ng MARINA at Philippine Coast Guard sa nasabing legislative inquiry.