Nananatiling nasa magandang kondisyon ang marine biodiversity sa Rozul reef sa West Philippine Sea sa kabila ng mga naisra at inaning corals.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) spokesperson Nazario Briguera, dapat na mas pagtuunan ng pansin ng Pilipinas ang sand o durog na corals sa nadiskubre sa seabed ng naturang bahura.
Sa kabila naman ng nakitang maputlang kulay ng durog na mga coral sa Rozul reef, mayroon pa ring sinyales na nagrerekober ang biodiversity gaya ng clownfish na namataan sa sea anemone ng bahura at maliliit na isdang lumalangoy malapit sa patay o wala ng buhay na corals.
Ayon kay Briguera, magsasagawa sila ng ibayong imbestigasyon at pananaliksik para malaman kung man-made ang mga buhangin o durog na corals doon sa Rozul reef.
Matatandaan na noong Setyembre ng nakalipas na taon, iniulat ng Philippine Coast Guard ang severe damage sa marine environment at coral reef sa seabed ng Rozul reef at sa Escoda shoal.
Ito ay nadiskubre matapos na unang iulat ng Armed Forces of the Philippines Western Command na mayroong mga kaso ng massive coral harvesting sa may Rozul reef kung saan namataang nagkukumpulan ang mga barko ng Chinese military at Chinese maritime militia.
Una naman ng itinanggi ng Chinese Ministry of Foreign Affairs na sila ang responsable sa pagkasira ng mga coral sa West Philippine Sea.