Kinumpirma ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Atty. Persida Rueda-Acosta na balik duty na si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino matapos itong makalaya dalawang araw na ang nakakalipas mula sa pagkakakulong sa detention cell ng AFP Intelligence Service (IAS).
Si MArcelino ay active military officer ng Philippine Marines, at graduate ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1994.
Una ng sinabi ni Marcelino na maghihintay lamang siya ng direktiba mula sa liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa kaniyang assignment.
Inihayag din Marcelino na wala siyang balak na bweltahan ang mga taong nagdiin sa kaniya bagkus kaniya na itong pinatawad.
Sa panayam kay Atty. Acosta, balik na sa normal ang routine ng Marine lt. col. bilang opisyal ng militar.
Muling binigyang-diin ni Acosta na batay sa mga ebidensiyang inilatag, malinaw na planted ang mga ito.
Lumilitaw na set-up ang nangyari para madiin si Marcelino sa kaso.
Mga tauhan ng binuwag na PNP-AIDG at PDEA ang umaresto kay Marcelino kasama ang Chinese national na si Yan Yi Shou.
Ang PNP ang isa sa mga complainants laban kay Marcelino at sa Chinese national.
Dismayado naman ang PNP Drug Enforcement Group (PDEG) dahil sa pagkaka-abswelto kay Marcelino.