Inatasan ngayon ng pamunuan ng Philippine Navy ang 9th Marine Brigade na magsagawa ng imbestigasyon laban kay Davao Del Norte 1st District Representative at Philippine Marine Corps Reserve Col. Pantaleon Alvarez.
Inatasan rin nito ang mambabatas na magpaliwanag hinggil sa kanyang naging pahayag kontra sa administrasyon.
Kung maaalala, sa ginanap na rally nanawagan si Alvarez sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na huwag nang suportahan ang administrasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang pahayag na inilabas ng Philippine Navy, pinuna nito ang naging pahayag ng mambabatas na anilay miyembro ng kanilang reserve force.
Sinabi pa ng PH Navy na ang magiging resulta ng kanilang imbestigasyon ay pagbabasehan ng kanilang magiging aksyon laban sa mambabatas.
Sa kabila nito ay muling siniguro ng ahensya na sila ay nananatiling propesyonal na organisasyon at kasama nila ang AFP na magiging tapat sa konstitusyon, sa chain of Command, at sa pangulo ng Pilipinas bilang Commander in Chief.