Inirekomenda ni University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea director Jay Batongbacal ang pagpapatuloy ng mga patrol operations ng pamahalaan sa West Philippine Sea.
Ito ay sa kabila aniya ng tuluy-tuloy na harassment na ginagawa ng China sa mga barko ng Pilipinas.
Ayon kay Batongbacal, ito ang tanging paraan upang maipakita ng pamahalaan na pinanindigan nito ang claim ng Pilipinas sa WPS at hindi ito yumuyuko sa China.
Sa katunayan, ang palagiang pagpapatrolya sa lugar ay nang-iinis aniya sa Chinese forces na nakadeploy sa naturang karagatan, at nagpapakitang pinapanindigan ng bansa ang karapatan nito, kahit na sunod-sunod pa ang gagawing pambubuli.
Ayon pa kay Batongbacal, hindi dapat tumigil ang bansa sa pagpapatrolya sa WPS sa kahit na anong paraan, lalo ngayon at umalis na ang BRP Teresa Magbanua mula sa Escoda Shoal.
Kailangan aniyang mamentine ng bansa ang presensya nito sa pinag-aagawang karagatan, at maprotektahan ang mga mangingisdang nagagawi roon.