Malaki ang papel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bagong kambal na batas ang Philippine Maritime Zone at Philippine Archipelagic Sea Lanes Law na nilagdaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. nuong Biyernes, November 8,2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, kaniyang sinabi na sa ilalim ng nasabing batas, mandato ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas partikular ang Philippine Navy na protektahan at depensahan ang maritime zones ng bansa lalo na sa external aggression o panlabas na pananalakay.
Habang ang mandato ng Philippine Coast Guard (PCG) ay ipatupad ang batas lalo na duon sa mga lumalabag at hindi dumadaan sa itinakdang sea lanes.
Ayon kay Brawner, sisiguraduhin ng Philippine Navy na ligtas ang maritime zones ng bansa.
Titiyakin din ng Phil. Coast Guard na ligtas ang ating karagatan lalo na sa mga mangingisda na naghahanap buhay.
Sa nasabing bagong kambal na batas maiiwasan na rin ang mga sakuna o banggaan ng mga barko.
Sinabi ni Brawner kanilang ikinalugod ang paglagda sa bagong kambal na batas dahil magiging malinaw ang hurisdiksyon ng Pilipinas sa teritoryo nito.
Hindi naman magarantiya ng AFP na titigil na ang China sa pangha harass sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Gayunpaman ipinunto ni Brawner ang mahalaga na may batas na tayo ukol dito.
“Ang role ng Philippine Navy diyan is that they are there to protect the maritime zones particularly from external aggressions, while the PCG is incharge making sure our maritime seas are safe lalong lalo na para sa mga fisherfolks natin but also they are there to implement our laws and regulations, kami naman we are there to defend our seas,” pahayag ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner.