-- Advertisements --

Nakakuha ng kakampi si Mark Anthony Fernandez matapos malagay sa kontrobersya nang kumpirmahin na naturukan na siya ng Coronavirus Disease (COVID) vaccine na AstraZeneca.

Ayon kay Edwin Olivarez, alkalde ng Parañaque City kung saan nagpabakuna ang 42-year-old former matinee idol, halos tapos na sila sa pagturok ng COVID vaccine sa kanilang frontliners at sunod na tututukan ang mga senior citizens, at mayroong comorbidities o may higit sa isang karamdaman.

Dahil dito, kwalipikado aniya para sa “next priority” si Mark dahil mayroon itong comorbidities.

Sa panig naman ni Dr. Olga Virtucio, bahagi si Mark ng Quick Substitution List o ‘yaong mga taong may permisong palitan ang isang tao na hindi nakasipot sa vaccine schedule.

Una nang nilinaw ng Department of Health na walang ipinatutupad na “plus one” strategy ang gobyerno, matapos mapaulat na may ibang indibidwal na nababakunahan dahil may kamag-anak silang medical frontliner.

Sinasabing may schedule na si Mark para sa pangalawang beses na pagtuturok sa kanya ng COVID vaccine.

Ayon sa anak ni Alma Moreno at namayapa nang si “Da Boy,” patuloy pa rin siyang magsusuot niya ng face mask at face shield kahit may proteksyon na laban sa deadly virus.

“Bago ako tinurukan, nag-fill up ako ng form tungkol sa health condition ko. Tinanong ako kung meron akong medication o kumplikasyon. Wala naman akong maintenance medicine. Ang pinaka-maintenance ko is multivitamins, vitamin C. Palagi akong nag-eensayo kaya hindi mataas ang blood pressure ko o blood sugar. Malaking bagay iyon,” dagdag nito sa pep.

Kung maaalala, minsang huminto sa showbiz ang ex-boyfriend ni Claudine Barretto matapos maaresto dahil sa alegasyon ng paggamit daw ng iligal na droga.

Anak nito ang newbie teen actor na si Grae Fernandez.