Pormal nang nagtapos ang Regional Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) 2024 na ginanap sa BREDCO Port, Bacolod City, Negros Occidental.
Ang naturang simulation ay dinaluhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Directorate General of Sea Transportation (DGST) ng Republic of Indonesia, at Japan Coast Guard (JCG).
Sa naging closing ceremony nito, nangako ang tatlong coast guard na palalakasin pa nila ang kapabilidad para tugunan ang mga oil spill incident, mas malawak na kooperasyon, at pagprotekta sa marine ecosystem mula sa epekto ng mga pulusyon.
Sa naging mensahe ni PCG Deputy Commandant for Operations, CG Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr, nagawa umano sa naturang excercise ang ibat ibang realistic simulation, na magbibigay daan para mapatatag ang kahandaang tumugon ng mga naturang coast guard sa anumang maritime event.
Nangako rin ang tatlong coast guard na mananatili silang magbabantay at magiging proactive sa kanilang misyong protektahan ang mga karagatan at makagawa ng mas malinis at mas ligtas na marine environment.
Ayon pa kay Adm. Punzalan, hindi natatapos ang kanilang trabaho sa pagtatapos ng naturang simulation.
Ang mga banta ng marine polusyon ay isang tunay at nagpapatuloy aniya, kayat kailangan itong mabantayan.
Nagsilbi namang observer ang iba pang mga bansa katulad ng US, Korea, mga private companies, at shipping lines.