-- Advertisements --
MARQUEZ PACQUIAO
2012 Pacquiao vs Marquez

Hindi naitago ng Mexican legend na si Juan Manuel Marquez ang paghanga kay Manny Pacquiao kahit sa edad na 40-anyos ay aktibo pa ring lumalaban sa ring.

Ayon kay Marquez bumilib siya kay Pacman dahil nandoon pa rin ang bilis at lakas nang ipatikim ang unang talo kay dating American boxing champion Keith Thurman nitong nakalipas na buwan ng Hulyo.

Pero para sa tinaguriang “El Dinamita” ang dapat daw sanang nanalo ay si Thurman.

Sinabi pa ni Marquez sa tingin daw niya ay nanalo si Thurman nang magbago ito ng istilo.

Sa kanya pang opinyon, marami raw suntok na pinakawalan si Thurman na tumama sa katawan ng fighting senator.

Dahil dito dapat daw pag-isipan ng Pinoy ring icon kung dapat pang ipagpatuloy ang career bunsod nang tinanggap na mga pahirap sa katawan.

Gayunman kung maalala batay sa Compubox scoring mas maraming jabs na pinakawalan si Pacquiao at napabagsak pa si Thurman sa second round.

Samantala, inamin naman ni Marquez na ang naging panalo niya nang patulugin sa 6th round si Manny noong taong 2012 ang isa pinakamalaking laban sa kanyang career.

pacquiao thurman
Pacquiao vs Thurman

Si Marquez, 45, ay kabilang sa mga boxing greats na kinilala sa 2019 Induction Class.

Ang iba pa niyang mga kasama na boxing legends din ay sina Bernard Hopkins, “Terrible” Terry Norris, Joel Casamayor, Leroy Haley, Wayne McCullough, Hasim Rahman, Humberto “Chiquita” Gonzalez, Vinny “The Pazmanian Devil” Paz, Ronald “Winky” Wright at “School Boy” Bobby Chacon.