![249617](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/10/249617.jpg)
Inihayag ng PCG na ang Marshall Islands na pinaniniwalaang flag state ng barko na bumangga sa isang bangkang pangisda ng Pilipinas ay obligado na panagutin ang barko sa insidente na ikinamatay ng tatlong mangingisda.
Ayon kay PCG Commodore Jay Tarriela, responsibilidad ng nasabing vessel kung saan ito nakarehistro at dapat na managot ang flag state administration na may-ari nf barko.
Sinabi ng PCG na na-acknowledged na ng gobyerno ng Marshall Islands ang sulat na ipinadala hinggil sa insidente na naganap noong Oktubre ngunit hindi pa nakakatanggap ng pormal na tugon ang Pilipinas.
Sumulat si PCG Commander Admiral Artemio Abu sa Marshal Islands para hilingin ang kanilang kooperasyon sa pag-imbestiga sa oil tanker na bumangga sa fishing boat na “Dearyn” sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Matatandaan na tatlo sa mga tripulanteng Pinoy ang nasawi sa trahedya, habang 11 ang nakaligtas.
Nang tanungin tungkol sa kompensasyon para sa mga biktima, sinabi ng hepe ng PCG na ito ay tutukuyin pagkatapos ng malalimang imbestigasyon.
Idinagdag ng PCG na kumikilos ito para sa agarang pagkumpleto ng maritime casualty investigation report nito, na isusumite nito sa Department of Foreign Affairs para sa nararapat na diplomatikong aksyon.