-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Binuweltahan ni Commission on Human Rights (CHR-12) Regional Director Erlan Deluvio ang mga kasapi ng Philippine National Police (PNP) lalo na sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat.

Ito ay kasunod nang nangyaring panibagong pagsabog ng bomba sa nasabing bayan kung saan tinarget ang Carlitos restaurant na nag-iwan ng 18 sugatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Deluvio, sinabi nito na dapat ngayong nasa ilalim ng martial law ang Mindanao kung tutuusin mas mahigpit ang seguridad at mahihirapang makapagsagawa ng karahasan ang mga kriminal.

Aniya, lumalabas daw na parang hindi umubra ang batas militar sa mga terorista.

Kaugnay nito nararapat din umanong huwag magpakampante ang mga otoridad dahil ilang beses na ring pinasabugan ang Isulan.

Sa kabila nito, ipinasisiguro ng CHR-12 na tututukan nila ang takbo ng imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang 18 sugatan sa bombing.