-- Advertisements --
(c) Marcos family/Wikipedia

Pumalag ang ilang martial law veterans sa desisyon ng Office of the Solicitor General (OSG) na harangin ang bayad danyos na iginawad ng korte sa Amerika para sa mga biktima ng batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Kinuwestyon ng grupong Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) ang motibo ng OSG sa pagtanggi nito sa distribusyon ng $13.75-milyon ng mga rehistradong biktima sa ilalim ng class suit sa Hawaii District Court.

“In the first place, the victims and the members of the class suit have a rightful claim to the settlement. They proved time and again that the late dictator and his family should be made accountable for decades of their rule. The (victims) have all the right to assert and demand justice and compensation,” ani Selda vice chair Danilo dela Fuente.

Kinondena naman ng Claimants 1081 ang hakbang ng OSG na tila pangmamando umano sa usapin ng settlement.

Pinayuhan din nito ang Presidential Commission on Good Governance (PCGG) na ipaglaban ang hurisdiksyon sa paghawak at pagbawi ng mga ari-arian ng pamilya Marcos.

Kamakailan nang ipag-utos ni Hawaii District Court Judge Manuel Real ang release sa naturang pondo na galing sa benta ng umano’y ill-gotten paintings ni dating First Lady Imelda Marcos sa New York.

Sa ilalim nito makakatanggap din sana ng $4-milyon ang Philippine government, habang ang matitira ay pakikinabangan ng mga sinasabing nakatagpo sa umano’y Yamashita’s treasure.

Pero batay sa desisyon ng OSG, hindi tatanggapin ng pamahalaan ang bayad danyos dahil hindi umano ito patas para sa gobyerno, gayundin na taliwas daw ito sa batas ng bansa.